Monday, July 4, 2011

Bangsamoro: Pagpupunyagi sa Sariling-Pagpapasya ni Lualhati M. Abreu

Bangsamoro: Pagpupunyagi sa Sariling-Pagpapasya ni Lualhati M. Abreu.  MATAPOS dumanas ng mga dantaon ng kolonyalismo at pang-aapi, marapat lamang na kamtin ng sambayanang Bangsamoro ang isang tiyak na resolusyon ng kanilang pakikibaka para sa sariling-pagpapasya ang pagkakaroon ng angking bayan at ang pamumuhay sa pangmatagalang kapayapaan. Hindi sila lamang-- ang sambayanang Moro--ang nagsusulong ng pakikibakang ito; bahagi na ito ng kasalukuyang pakikibaka ng mas malawak na bayan para sa lupa, sariling¬pagpapasya, soberanya, at tunay na demokrasya.


     Sa kasamaang-palad, ang kamalayang publiko tungkol sa pakikibakang Bangsamoro ay nahubog, sa kalakhan, ng mga prehuwisyong pangkasaysayan at pangkultura, at ng mga institusyon kabilang ang estado, midya, edukasyon na nagtuturing sa usapin bilang simpleng pabigat na digmaang iginigiit ng isang "palaaway na taumbayan," nang hindi umuunawa sa malalalim na ugat nito sa kasaysayan at istrukturang panlipunan. Sa matagal na panahon, ang gobyerno, laluna ang sandatahang lakas nito, ay sumagupa sa pakikibang Moro mula sa perspektibang militar.
     Dapat ring mas pansinin ang papel ng interbensyong US sa Mindanao, na mauugat noon pang mga taon ng kolonyalismo. Tumitindi ngayon ang interes ng US sa isla, laluna ang ukol sa eksplorasyon ng langis at iba pang layuning pang-ekonomya. Kinukumpirma ng mga ito ang paghihinala na ang patuloy na mga operasyon ng US Special Forces ay may naiibang adyenda at bahagi ng sekretong plano para sa permanenteng pananatiling militar sa Mindanao.